Monday, December 31, 2018

Hala, anyare?!


Hala, naka tatlong entries lang ako ngayong 2018? Huhuhu.. medyo nalungkot ako ng very light na hindi pala ako nakapagblog masyado this year.  Feeling ko naman di masyado nabawasan, pero bonggang wala pala akong tinuloy sa mga nilista kong blog.  Oh well, since last day naman na  ng 2018, ihabol ko na lang ang annual blog post kong movies for the year... kasama ang pangakong... magpopost ulit. Sana. Soon. 

In fairness, walang pavideoke party ang mga kapitbahay namin this year.  Puro ulan lang ang naririnig ko.  Ang saya... so peaceful... malamig... at sabi nga ng trend list ng Twitter.. it's a lomi weather ('yun na pala ang tawag dyan).  Sana lang walang baha at sakunang kasama ang rainy new year weather.

Anyway, yes.. movies of 2018.  Umpisahan natin sa pinakabongga.


Pinakabongga kasi twice ko sya pinanood.  Isa sa Pilipinas... at inulit namin para lang maexperience ang Tempur Cinema.



Yes, pumunta kami sa Seoul para manood ng sine. Haha.  In fairness, ang mahal (haha!).  Pero kasi, ibang level naman nga talaga ang Tempur bed, with VIP lounge. May cinnamon cookies.. and pa-ice cream.

Try nyo din yan.  Google nyo Tempur Cinema. 

Next, yung mga movies na surprise.  Surprise kasi di ko man lang napanood yung trailer or any promo.  Tapos ang ganda.  



...tsaka ito, favorite ko din....


Tapos syempre every year, merong pinakapanget-na-movie-na-napananood-ko-this-year.  And the winner is.... tentenenen...


pero in fairness, naaliw ako. Kasi nakakatawa. The Meg.  Yeesssss. Sa sobrang panget, parang gumanda na.

Anyway, ililista ko na lang ulit yung iba kasi... wala lang.  Gusto ko na kasi tapusin yung binabasa kong book! Bigyan natin ng chance ang ibang hobbies ko. Habang may chance pa, kasi.. adulting happens. So ito na...

6. All of Me
7. 12 Strong
8. The Greatest Showman
9. Black Panther
10. Tomb Raider
11. Den of Thieves
12. The Titan
13. Ready Player One
14. Rampage
15. Avengers Infinity War
16. Love, Simon
17. Deadpool 2
18. Jurassic World: Fallen Kingdon
19. Ocean's 8
20. Ant Man and the Wasp
21. Skyscraper
22. Mission Impossible
23. Crazy Rich Asians
24. A Simple Favor
25. Venom
26. A Star is Born
27. Crimes of Grindewald
28. Ralph Wrecks the Internet
29. Aquaman

HAPPY NEW YEAR!

More blessings this coming 2019 guys.  Ittry ko na sipagan ulit magblog... ng mga random flight of ideas.  Ay actually, may kwento na akong naisip.. pero next year na! Oh well... ayun na.  See yah! Muah muah!   


Monday, May 28, 2018

Asyang's New Hobby


Yellow!

So... di ko lang talaga naipriority ang pagsusulat lately.  Wala kasi akong maisip ishare... actually meron pala.  Ang dami ko lang excuses.  Ako pa ba? Pero to be fair, pinagbigyan ko naman kasi ang iba kong hobbies.  Tulad ng manood ng manood ng kung anu-anong bagay sa youtube.  Alam nyo naman, pag sinimulan mo kasi yan, ang hirap na.. pindot na lang ng pindot  kung anong irecommmend nya sa akin.

Pero joke lang, hindi naman ako puro youtube, kasi obvious naman sa picture na hindi yun ang topic (at hindi lang yun ang ginagawa ko in life).  Kasi, isa talaga ito sa mga favorite ko gawin lately.  Nakakarelax kasi sya gawin.  Kahit papaano, nababawasan ang stress ko about adulting.  Pahinga.  Para after, ready na ulit yung utak ko for adult chores and pag iisip ng kung anong gagawin ko sa mga pasyente ko.

Ako lang ba, o talagang may therapeutic/relaxing effect ang pagbabalot ng mga libro? Sobrang nakakaadik magbalot ng libro.  Actually, may buong process 'yan na (masama na yata ito) nakakaadik para sa akin.

Una sa lahat (step 1), ang saya kasi sa bookstore.  Parang tinatawag ako talaga everytime alam kong may malapit na bookstore sa akin.  Hindi nyo naiintindihan..  Ang tagal kong isinangtabi ang pag aadik ko sa books... dahil lang ang dami dami medical books na kinailangan kong aralin.  Hanggang ngayon naman, nagbabasa pa din ako, plus journals.  Syempre, review review at update update din.  Pero, at least now, mas may time na ako (at nabawasan na ng bongga ang guilt ko pag nagbubukas ako ng librong hindi medical).  Ang sa daming taon na lumipas, kailangan ko magcatch up.  Pali-pali! (Sinong nakaintindi? Heartu)

Ang tanging nagpipigil sa akin para hindi ko bilhin sila all at once (I'm drifting on a lonely sea, wishing you'd come back to meeeee.. #Whitney), ay para may excuse ako bumalik every weekend.  Tsaka, pera na din. Fine.  'Wag tayo masyado magastos.  Hindi pa ako mayaman.

So 'pag nabili mo na ang books, as an addict, (step 2) dahan dahan mo syang ilalabas sa plastic. Kung di sya nakabalot, edi skip to the part ng paghaplos sa cover at pag amoy ng pages (step 3).  Aaminin ko, na minsan ayoko sila balutin, dahil ang ganda ng texture ng cover.  Kaso, dahil bitbit ko sila kung saan-saan, malaki ang chance ng gasgas at folds... na hindi acceptable.  So, for me, balot is the way to go.  Kaya crucial ang balot.  Hindi pwedeng basta-basta ang cover.  

Nakita ko pa ang mga old books ko, na may old-school plastic cover.  Yung nabibili sa bookstore, na 'di nawawala sa back-to-school necessities, na masmataas pa sa akin (dati 'yon, kasi bata pa ako noon).  


Pero ang chaka diba.  Bukod sa after a while ay nasisira sya (napunit na yung mga gilid gilid), at nag accumulate din ng alikabok inside.  Tapos nagkaron naman ng mga nakadikit na pambalot.  Ano bang tawag dyan?


Kaso, nagkakabubbles sya.  Syempre pag bagong lagay nakadikt sya.  Pero after some time, lahat sila nagkakaron ng ganyan.  Parang every bukas ko ng book, padami sila ng padami.  At pag hindi masyado mahaba ang nilagay mong allowance sa loob, natatanggal din sya.  Kaya finally, ang ginagamit ko ay yung pang glass.  Na nabibili sa hardware store.  S'ya ang the best for me sa ngayon.  So ang step 4 ay finally magbalot!  

Naisip ko gumawa ng video ng buong process ng pagbabalot ko..
kaya lang, masyadong weird na yata 'yon.

Tada! O diba, no bubbles, no lukot, di sya napupunit, at 'di chaka.  Natry ko na din tanggalin sya, just in case in the future, for some reason, gusto mo alisin ang cover.. naalis naman din sya (but I guess depende sa quality ng cover).  Kaya lang, kailangan mo lang pumili ng pattern na medyo tolerable as a book cover.  Unless okay lang syo ang mga overwhelmingly floral or kung ano-anong animals as a book cover.



So ayan, ang very satisfying finished product of my hobby.  Actually, hindi sa akin lahat ng books sa itaas.  'Yung nasa left ang akin.  Although, most of the books sa right, either may copy din ako, or nasa list ko ng bibilhin ko din.  In short, nagbabalot ako ng books ng ibang tao, for free.  Bilhin nyo lang yung prescribed pambalot ko syempre.  At tsaka kayo na bahala sa shipping fee.

P.S.
Dahil ang mga bookmarks ko ay mga boarding pass, at nagkandalukot na sila, at may mga sobrang pangcover, at actually dahil gusto ko pa magbalot...


tada!

Love lots,
Asyang

1 Corinthians 10;21
You cannot drink the cup of the Lord and the cup of demons too;
you cannot have a part in both the Lord's table and the table of demons.

Saturday, February 17, 2018

Asyang on Valentine's Day


Yes, late na... February 16 na kasi... now... (so kung kelan ko ito ma-ipublish... hehe anong petsa na?).  Sabi ko kasi nung February 14, ibblog ko 'to. Kaso super pagod na ako pag uwi.  'Di ko sure kung accumulated pagod (kasi di ako nagpahinga nung weekend) or sign of aging... or both.  Or may factor din na nakakadrain ng energy ang heat wave sa labas... summer heat na.  (Why?? February pa lang...) But anyway, I have a hearts day kwento!

So last year (well 2017, pero mga late last year.. fine, November to be exact) ko inumpisahan ang efforts ko para sa hindi-ko-pinangarap na skill of driving.  Kung kilala nyo ako, delaying tactics to the max.  Initially naman, legit ang reason ko na nagka near-death experience naman ako nung nabangga kami ng 10-wheeler truck.  Pero nung nakaget over na ako dun... oh well.  Ikkwento na lang ang valentine's day kwento ko.

So, kumuha na ako ng driver's license.  Basta si-net ko ng wednesday, para di naman ako mawalan ng source income, dahil yan ang day na wala akong clinic sa umaga.  In short, gusto ko lang sabihin na hindi ko sinadyang pumunta dun ng February 14, 2018.  Anyway, so naexperience ko naman ang waiting game nung kumuha ako ng student's permit, I came prepared.  Inexpect ko na ang matagal na paghihintay... at pagtunganga.  Actually, may bitbit na din akong libro (novel, not textbook).  At excuse me, nag aral din ako ha, kahit sabi nilang madali.  Ilang beses ko tinake ang reviewer online.  Ang issue ko lang talaga, sa dami ng exam na tinake ko sa buong buhay ko, hindi ako sanay sa Tagalog exam.  Hindi sa nag iinarte ako, pero may weird feeling na nag eexam ako ng Tagalog.  Pwede ka naman magrequest ng English exam, pero kasi, magpapaspecial pa ba ako.. Anyway...

So andun na nga, after ng maraming minutes of paghihintay after ng picture taking... tinawag na ako para pumasok sa "lecture room" daw, also known as "review room" which in reality ay waiting room na may nakapaskil na mga road signs and all para ireview mo daw.  In fairness to A1 driving school, pinatitigan din naman sa akin yan nung orientation day ko.  Tapos may video lang about instructions sa exam, na sinascan daw sya at bawal mag bura at isa lang dapat ang answer mo.  Ganyang stuff, at konting samplex.  So medyo matagal ulit na hintayan dito... okay lang naman sa akin.. sabi ko nga, inexpect ko ito.  Ang hindi ko inexpect ay ito....

Si Kuya Officer sa entrance, yung nagtatawag ng mga papaupuin sa "review room", pumunta sa harap at akala ko naman tuloy nga, maglelecture.  Tapos sabi nya, 'wag daw kami mainip.  Kasi baka bumagsak daw kami kung papasok sa kami sa exam room na mainit ang ulo dahil nainip kami sa labas.  So sabi ko, ah di naman pala lecture, baka pep talk lang.  But no...

Kuya LTO Officer: Sige, bibigyan ko kayo ng tips.  Katulad nito. Anong ibig sabihin nito? *sabay turo sa one way na sign*

Examinees: One-way *yun lang ba?!* (haha)

Kuya LTO Officer: Okay.  Pwede ba mag-park dyan?

Examinees: *iba-iba na sagot* 

Tapos may sumigaw with confidence: Hindi! *syempre naisip ko na mali sya, kasi... testmanship*

Kuya LTO Officer: *medyo galit voice* bakit, ano bang sabi ng sign? one way.  Ito ang no parking *sabay turo sa no parking sign* 'Yan, inip na inip kayo dito, di nyo alam pagpasok nyo dun, mahirap yang exam.  Babagsak kayo.

I therefore conclude, hindi ito pep talk.

Ang dami nya pang sinabi, lahat nagtatapos sa hindi kayo papasa sa exam.  Hanggang si ate na katabi ko, nakayuko na.

Kuya LTO Officer: Akala nyo kasi madali lang.  11 years na ako dito sa trabaho, alam ko na itsura nung mga bumabagsak.  Ganyan na ganyan, yung mga itsura nyong inip na inip na.  Binasa nyo ba ito? *sabay turo sa printed policy about sa mga magrere-take ng exam* Maghihintay kayo ng 1 month and 1 day para mag apply ulit at mag take ng exam.  40 items lang ang exam, kailangan nyo ng 75%.  Iba iba kayo ng exam ng mga katabi nyo kasi 660 questions yan, na nirarandomize.  Hindi kayo pwede magkopyahan.  Mahirap yan.  Pustahan tayo, marami sa inyo babagsak dyan.  Ako nga, magkakamali pa dyan eh.  Kahit may mga kakilala kayo dito, hindi nila kayo matutulungan.  Mag isa ka lang dyan sa loob!

Ay naku talaga, ang tagal nya dun sa harap. Naglelecture kung paano kami ay babagsak dahil mukha kaming inip na inip.  So finally, umupo na sya ulit sa likod.  Hindi ko alam kung nagkataon lang, or ako talaga ang pinaparinggan nya.  Kasi lumingon ako sa likod.  'Di ko alam kung bakit, syempre nakatunganga lang ako dun eh.  For some reason lumingon ako tapos nakita nya ako.  Tapos sabi nya, "Hay nako, inip na inip pa din."  Tapos tumatawa sya. 

Kuya LTO Officer:  *kausap ang isang Kuya na naka Gear One Driving School uniform* Inip na inip sila.  Hayaan mo, matatandaan nila ito, Valentine's Day, bagsak sila sa exam.

Kuya, ano bang pinagdaanan mo today at ang bitter mo? Una sa lahat, yung answer sheet, ordinary papel, wala nung mga mark para sa automated na checking.  Fifty pesos kaya binabayad namin sa med school para sa extra na answer sheet na pang automated.  At nung inabot sa akin ang answer sheet ko, may malaking handwritten in red ink na 38.  (nagkamali ako ng shade sa isa eh) pero may isang tanong na di ko talaga alam.  Pangalawa, pumasa ako.  'Wag kang ano dyan ha.  Imbes na naghintay ako patiently, pinainit mo lang ulo ko eh.  Pero after naman, nakakatawa na lang sya.  At nagkaron pa tuloy ako ng blog.  But anyway, bakit nga ba ang nega?!  Masama bang mainip? E wala namang nagrereklamo sa amin, lahat naman kami silently naiinip lang.  Baka sya yung inip na inip na kaya nya naisipan na manindak ng mga mag eexam.  Oh well.  Natapos na yun.  Nakakatawa na lang sya now. Pumasa na ako. Bow.


Tuesday, January 30, 2018

Warning: Medyo kadiri.




So bale, ito pala ang magiging first entry ko the year.  Hmmmm.. napaisip tuloy ako kung itutuloy ko pa.
I guess oo, may fair warning naman.



Intro na lang muna siguro.  So how's life?

Ito.  The beginning of adulting.  Parang lahat ng nangamusta sa akin kinwentuhan ko lang kung gaano kagastos and adulting time for doctors.  Lahat na lang may babayaran... application sa hospital, Philhealth accreditation, BIR registration, insurance, clinic.... oh well.  But patience is a virtue, at after ilang mga panahon.   na wala akong ginagawa (kung di magbayad ng kung ano-ano at tumunganga sa clinic), medyo may patients naman na, kahit papaano, kahit lagnat at ubo.. at konting hema.  Lahat naman ganyan ang sinabi, tyaga lang sa umpisa. So para sa mga magsisimula ng practice, the struggle is real, at di ka nag-iisa (Unless umaapaw ang pera mo at okay lang syo magbayad ng maraming bagay.  Good for you. Ikaw na. Haha.)  But from my experience, 'wag mag-alala, God will provide.  (Always!) Special thanks na din kay Chad (congratulations ulit, by the way), sa help at sa pag tour sa akin sa Cavite (na parang hindi ako taga dito, kasi ang daming lugar ng di ko na alam, at first time ko madaanan).

So back to kadiri.

Nung isang araw, after ko magrounds sa GentriMed (by the way, may Hematologist na sila... #ShamelessPlug), dumaan ako sa grocery.  Kasi may short grocery list ako galing sa nanay ko.. so...

           Gardenia Wheat Bread - check
           Nescafe Instant Coffee - check
           Colgate - check

So ang kulang ko na lang ay cheese.  Actually, wala naman sya sa list, naisip ko lang kasi lately nag aadik ako sa Arla Cream Cheese sa toasted bread for my breakfast. So nakarating ako sa mga cheese, at nakita ko na sya.  Kinuha ko, pero for some reason, naisipan ko pang maglakad sa kabilang dulo para tumingin ng iba.  Wrong move.

Kasi kadiri talaga.  May malaking daga na nagtatago sa likod ng mga Ques-O at Eden!  As in lumundag sya para magtago sa likod ng pinakamalaking size ng cheese.  Yung katawan nya, kasing haba nung mga pinakamalaking box ng Eden at Ques-O na cheese.  Hindi yung normal size ha.  Hanggang sa mahabang black na buntot na lang ang visible for ilang seconds, tapos nawala na sya sa ilalim ng mga cheese.  

Unfortunately, ako lang ang nakikita nung moment na 'yun  Wala man lang akong karamay sa shock.  Anyway, dahil may social concern ako, tinawag ko si Kuya na taga ayos ng mga shelf.  

          Asyang: Kuya, may malaki pong daga sa likod ng boxes ng cheese.
         Kuya Employee: Ay naku, hindi ko na po mahahabol yun.  *sabay layas*

Hmmm... parang normal lang kay kuya ang idea na may malaking daga sa grocery nila.  After kong kilabutan ng bongga, ganun na lang yun.  Kadiri talaga.




Mga ganyan siguro sya.  Sorry, kailangan ko ng karamay.  Para mafeel nyo din ang nafeel ko.  Anyway, di ko sana papangalanan ang grocery, pero apparently, kahit saan na branch may mga daga sila.  Kasi kinwento ko sa mga tao, tapos sabi nila, may mga daga naman daw talaga dun.. Bakit?!?!


Dear Walter Mart, 

Pakiexplain kung bakit kailangan ko ma-trauma habang naggrocery? Bakit po ang laki ng daga nyo? At bakit kebs si kuya employee na may dagang nagtatago sa likod ng cheese?

Thank you.

-Asyang





Sunday, December 31, 2017

Asyang's 2017 Movie List

Tada!

Nafefeel ko na ang end of the year kasi nagsimula na ang mga videoke party/marathon ng mga kapitbahay namin...


Hindi ko maintindihan, bakit ang bilis ng panahon? End of the year na naman.  Anong nangyari sa 2017? Well, on second thought, ang dami nga naman nang nangyari sa akin this year.  2017 was truly amazing, and I feel so blessed.  I hope it was also great for you. (*wink*)  Syempre hindi naman always masaya and walang problema.  Sabi ko nga,  choice  mo naman ang to be happy and thankful, kahit na may mga hurdles and kung ano ano pa.  Pero 'wag tayo humugot, kasi... ayoko lang. Tsaka ang layo sa title oh...  ito ang usual end-of-the-year blog ko eh.

Anyway, medyo konti lang ang napanood ko this year.. pero hindi naman na masama.  Dahil wala akong naexperience na "Precious Cargo" movie this year.  Tsaka, marami kasi akong inatupag kaya nabawasan ng time for weekend movies... (gumawa ng research para grumaduate, grumaduate, nagtravel, and finally nakapagbasa ng mga nakatambak kong non-medical books).  

Anyway, yes, 2017 movies...



Unahin na natin ang Academy Award Movies.  Maganda lahat.  'Yun lang masasabi ko.  Kaya nga kahit konti lang ang napanood ko this year, keri na, kung ganyan naman ang mga movies.




Ito ang "Everest" movie ko of 2017 (Asyang and the Everest).  Hindi ko na maalala kung pinili ko talaga ito, or random movie again.. pero nastress ako.  Kung gusto mo ng stress movies, isunod mo na ito sa Everest kung di mo pa napapanood.  Hindi sya isa sa mga favorite movies ko of 2017, pero definitely memorable sya.  Dahil kung sa Everest namatay sa yelo ang bida, dito.. *spoiler alert* lahat sila namatay bukod sa alien na kalaban, na nakarating pa sa Earth.


I love this movie.  Una sa lahat, iappreciate natin ang movie made out of 65,000++ hand painted frames.  Beautiful and sad.. sad but beautiful.  Tapos marirnig mo pa ang Starry Night sa end ng movie.  Oh well.  Maganda. 


Christopher Nolan!! Hans Zimmer!! I love iiiit!  Wala na akong ibang masabi kundi.. ang galing.



Sobrang nostalgic din nito.  May mga nagcomment na di sila natuwa masyado kay Emma Watson, pero kebs.  Ang saya ko sa movie na ito.  

Anyway, sabi ko nga maraming maganda this year, pero yung iba, ililista ko na lang:

8. Passenger
9. xXx: Return of Xander Cage
10. Split
11. John Wick: Chapter 2
12. Logan
13. Ghost in the Shell
14. Gifted
15. Going in Style
16. The Fate of the Furious
17. Guardians of the Galaxy 2
18. King Arthur
19. Pirates of the Carribean: Salazar's Revenge
20. Wonderwoman
21. Transformers The Last Knight
22. Girls Trip
23. Geostorm
24. Bad Genius
25. Thor: Ragnarok
26. Justice League
27. Murder on the Orient Express
28. The Last Jedi

HAPPY NEW YEAR!!
Hindi ko alam kung joke time 'tong visitor counter ng blog ko, pero thank you sa mga bumibisita.. baka napipindot nyo lang (haha) pero super thank you din kahit 'di kayo nagcocomment *ahem* *wink, wink*


Change the world around you by living a better story.
-Donald Miller

Tuesday, December 19, 2017

Oh girls TAIWANna have fuuuun


Ang galing ko sa title no.. (naisip ko 'yan in 5 seconds, bwahaha)

Para saan nga ba ang blog na ito? Parang last week pa nasa draft ko yung title at picture.  'Di ko na maalala kung ano nga bang naisip kong ikwento. Haha.

Well.... I guess, "travel-ish" blog na lang.. actually, food blog na lang pala, i-memory bank ko na lang ang full travel experience (ng bus bloopers, hiking at mga random places na narating nang di sinasadya).  Sana napicturan ko pala lahat ng kinain ko, meron yatang kinain ko lang agad. :P

Spicy Beef Noodles at Yong-kang Beef Noodle (since 1963)
~500 NTD for 2

Yes! So number 1 talaga namin kinain ay beef noodles sa Taiwan. Hindi naman sya mahirap hanapin kasi malayo ka pa lang matatanaw mo na yung pila sa labas.  Mga ilang tumbling lang from the metro station ('yan ang kung sa tamang exit ka lumabas..).  For the record, sa tamang exit kami lumabas.  So no English, at kahit may checklist sila na pang tally ng order namin, di naman namin mabasa.  Medyo inaattempt pa ni tabs na isa-isahin ang chinese characters kung pareho, nauwi naman din sa pagturo lang sa picture.  Make sure lang na sabihin mong small ang order mo (small na 'yang nasa picture), unless na lang bongga talaga yung gutom mo, go.  By the way, warning ko na.  Hindi ako foodie, at di ko madedescribe in detail ang mga pagkain, ang kaya ko lang ay kung masarap, pwede na or kadiri.  Kanya kanyang judgment na 'to.  But ito, masarap naman kasi talaga.  Masarap kahit yung normal/original lang, pero for me, spicy version ang mas winner.  'Di naman namanhid ang bibig ko, pero kasi si Kuya Japanese na kasama namin sa table, nagwaterfalls ang pawis nya.  Well, baka lang di sya sanay sa spicy, or baka may factor na large kasi ang inubos nya.

Scallion Pancake, sa kanto ng Yong-kang
~20 NTD (?)
Lasang pancake nga.  Hindi yung pancake ng pancake house.. yung nilalako or nabibili lang sa kanto-kanto.  Except may hints of fishball-ish na lasa.  Original yung kinain ko, baka masmasarap yung ibang options: with egg, with cheese.. with everything, everything, everything (kumanta ako).  Mahaba kasi yung pila, so nakipila lang kami.  Okay lang naman sya. Nothing stellar (wow).  Haha.

Ay Chung Flour Rice Noodle, Wanhua District
~50 NTD, small (?)

Masarap din! Kahit wala kang ilagay, pwede na.  Pero masmasarap pag may black vinegar.  Tapos konting (as in konti lang kasi ang anghang ng chili sauce nila) chili sauce.  Medyo nung bandang huli nga lang iniwasan ko na yung mga pork intestine, kasi nangawit na ako.  


Crispy Crab, Raohe Night Market
~100 NTD
Masarap din, pero mas masarap siguro isawsaw sa suka (mahilig kasi ako talaga sa suka).  'Di ko masyado naisip na balikan kasi halos same lang naman sa mga nakakain sa Pilipinas.

Taiwanese Pepper Angus Beef, Raohe Night Market
200 NTD
Ito, promise, naenjoy ko.  Ang sarap eh.  Maraming stalls naman nito, sa kahit saang night market.  May mga stalls din na may iba't ibang seasoning.  Pero parang best seller ay yung with Himalayan Salt lang.  Pero Taiwanese Pepper yung na-try ko, kasi nasa Taiwan ako eh, so why not try ang pepper nila (haha). Super sulit. 

Black Pepper Pork Bun, Roahe Night Market
50 NTD
Masarap din.. kaso.. sobrang busog na busog na kasi ako nung binili ko ito.  Pero masarap nga naman, may konting kunat factor yung bread, or mali na yung naimagine ko (medyo, more than a month ago na kasi bago ko pa ito nagawan ng blog).  Pero naaalala kong masarap sya ay nanghinayang ako ng wala nang space yung tyan ko. 

Hot star large fried chicken

Masarap talaga eh.  Actually, sa Australia ko unang na-try ito, habang naglalakad sa may China Town area.  So syempre, kinain ko din sa Taiwan.  In fairness, same naman ang lasa.  Nakakaadik.  Medyo nakakatuyo lang ng lips sa alat after a while (kung uubusin mo mag-isa siguro), pero pwede naman uminom, so go lang sa kain.  May natikman din akong giant fried chicken sa Shilin Night Market, pero ito pa din ang masmasarap (IMHO).  Buti na lang meron na nito dito sa Pilipinas, so kung magcrave man, may chance kumain dito. 

Crispy Baguette, Vanilla

Masarap din, pero pwedeng hindi na balikan.  Lasang broas na may vanilla cream.  Pero in fairness, masarap nga pala yung vanilla filling nila.  Katabi lang ito ng hot star sa may Ximending.


Addiction Aquatic Development

Yes! Masarap! One of my favorite kinain in Taiwan. Kasi mahilig ako sa seafood at Japanese food.  Nasa may fish market lang sya.  Kung magmetro ka papunta, medyo may more than 1km lakad from the nearest metro station.  May option naman na magbus or magcab, pero maspinili namin ang metro + power walking.  Actually, yung walking nakatulong after kumain.  Kasi kinailangan kong idigest ang napakarami kong kinain.  

So may option ka na kumain sa loob, resto style.. or, maggrocery ka ng mga pagkain at kumain sa labas (which I think is cheaper, actually di ko sure).  Pero anyway, naggrocery lang kami, na may kasamang panic kasi hindi ko alam kung anong uunahin.  Sa dami ng choices ng mga nakabox na sushi at sashimi, at kung ano ano pang seafood.  In fairness sa lahat ng kinuha namin masarap lahat.  At bilang isang adik sa miso soup, ang sarap ng miso soup nila.  The best.  At ang daming laman, na hindi ko na mainintidihan kung anong kinakain ko, pero basta masarap.  Price range ~150-350 NTD each para sa mga sushi/sashimi and other seafood boxes.  Fresh pa lahat.  Basta, ang point ko, try nyo.  Favorite ko dito.

Stinky Tofu, Maokong
Medyo requirement naman na matikman ito sa Taiwan kasi sikat sya at kahit saan maamoy sya.  Hindi naman sya nakakasuka.  May mga tao kasing nagsabi na kadiri.  Not so bad, or dahil lang default na mahilig ako sa tofu.  Anyway, kahit saan nga makakakita ka naman nito.  Pero itong sa Maokong, (dun lang sa may kainan paglabas mo ng Maokong Gondola station), not as stinky as the usual stinky tofu, and compared sa nakain ko sa Shilin.. mas masarap ito, medyo mas todo ang weird asim kasi yung gulay sa iba, plus masmasarap yung chili nila. Pero as a Pinoy, walang sinabi 'to sa tokwa't baboy natin.  Haha.  Tokwa't baboy forever.

Oyster Omellete, Shilin Night Market

Legit. Masarap.  Masmasarap pag may chili.

Beef Curry, Modern Toilet Restaurant

Modern Toilet Restaurant

Sweet & Sour Fish, Modern Toilet Restaurant
Hmmm... ordinary lang yung food.  I guess ipupunta mo lang ang experience na weird sya kasi toilet ang theme.  Or baka lang sa dami ng masarap kasi kainan sa Taiwan, di ko sya naappreciate. Chineck lang talaga namin sa checklist na at least na-try namin.



Kung ano man 'tong deep fried taro/yolk custard, Ningxia Night Market
100 NTD
Sobrang sarap.  Sa Ningxia Night Market ko lang ito nakita, at thank you sa nagrecommend na hanapin ito.  Isa sya sa mga stalls na may kapilahan, pero sulit naman nga kasi ang pila.  Kahit ang pagkalost in translation, sulit na, kasi ang sarap nya. Sana pala dinamihan ko pa ang bili, kaso naisip ko din na busog na busog na ako, as usual.  Nakapa-rate limiting factor ng capacity ng tyan ko, huhu.  Anyway, medyo more locals than tourists kasi sa Ningxia (or nagkataon lang?) compared to Raohe and Shilin.  So.. di kami magkaintindihan ni kuya.  Anyway, with some pagturo at pagkamot nya ng ulo sa pag iisip ng english key words, nakabili naman ako. 

Anyway, may mga hindi ko na yata nailagay dito.  Like yung peanut ice cream roll! Mas masarap yung nasa Juifen Old Street, parang mas quality yung wrap.  'Wag mo din palagyan ng kinchay, weird. Ano pa ba, tea egg, masarap din.  O basta, kain lang ng kain!

Bonus: For pasalubong, favorite ko ang hand-made nougat ng Cherry Grandfather.  Masmasarap sya kaysa sa mga nasa night market.  May mga pa-free taste naman ang mga stores/stalls, so pwede mamili.  Pero promise, yan na ang masarap for me (ssabi din ng mga langgam sa bahay namin masarap yan, kasi dinagsa nila yung isang pirasong naiwan ko sa table). 

Tsaka... kung ang requirement pasalubong ay pineapple cake (bakit nga ba? binilin kasi 'to sa akin, tapos ang dami nga naman pineapple cakes dun), sa mga tinikman ko, masarap yung nasa Juifen Old Street.  Di ko maalala yung name, pero color red ang box, tapos nasa mini gold boxes ang bawat pineapple cake.  250 NTD yung 10 pieces.  Pero kung gusto mo ng level up pineapple cake....


Ang sarap promise.  Mas mahal nga lang din (mga 3x times yung presyo, haha), pero ang sarap kasi. 'Di ko maexplain.  Meron silang plain lang na pineapple cake, pero wag mo na pansinin yun.  Mas masarap 'to. Wu Pao Chun sa basement ng Eslite Spectrum Shopping Mall.  Di ko natry yung Sunny Hills na pineapple cake, kasi msarap din daw yun.  Next time.

Oh well, nagutom na naman tuloy ako. 

Wow, after 3 weeks sa drafts, nakatapos din ako ng blog!
Nag-iisip ako ng pang year-end blog eh.  Kung wala, edi ito na yun!

Advanced Merry Christmas and may you all have a Blessed 2018.

- Love lots,
Asyang


P.S. May vlog version ang blog na ito. Kain tayo.




Ephesians 2:8-9 (NIV)
For it is by grace you have been saved, through faith -- and this is not from yourselves,
it is the gift of God -- not by works, so that no one can boast.


Friday, November 24, 2017

Pila and Pet Peeves


Yes, check ang Taiwan!  Kung saan wala akong ginawa kundi kumain at maglakad para magburn ng kinain para makakain ulit.  Dahil dyan, sumuko ang tyan ko, lalo na ang legs ko... but that's for another blog.. or vlog.. or memory bank na lang.  Pag isipan ko.. (kung mamotivate akong gumawa ng alin man dyan hehe)

Because today, gusto ko lang i-share ang experience ko sa mga pila para lang makarating sa Taiwan.  Hindi ko na maalala kung anong number na sa listahan.. Number 8? But anyway, isa sa nakakainis diba, yung mga sumisingit sa pila.  Medyo malas talaga ako sa mga pilahan eh (parang medyo nablog ko na yata ng slight).

So after ten years namin sa pila for bag drop.. (yes, ten years ang pila.. why??), ang haba din ng pila sa immigration.  So dito nagsimula ang trend nang singitan.  Bakit kasi may concept tayo (di ko lang kasi sure kung very pinoy lang 'to) na pwede ka mag-save ng spot sa mga pila.  Lalo na sa aiport.. kung saan...



Una, sa labas pa lang kami ng immigration (kasi ganun kahaba yung pila, abot sa labas).. tapos may sumilip na Ate from inside, sabay kaway para sumenyas na "Guys, let' go, nag save ako ng space nyo sa delubyo sa kahabaan ng pila na ito".  Hindi lang kasi isang tao ang kasama nya (pero kahit isa lang, bakit di sya pumila katulad ng ibang tao? like me?), pero kasama nya ang isang baranggay.  Like nanay, tatay, ate, kuya, bunso, si inday, si tita, si tito, yung pinsan, yung boyfriend ng pinsan, yung kaibigan ng boyfriend ng pinsan... isang baranggay nga kasi.  Ang OA. Samantalang si Ate lang naman yung pumila tapos sisingit silang lahat.  Wala namang express lane for baranggay. Pakiexplain. 

Pakiexplain kung bakit naisip nilang okay lang 'yon.  At pakiexplain kung bakit okay lang din yun kay Kuya Guard?!

Dahil una pa lang yan, may pangalawa.  Kasi after ten years ulit sa immigration (at after unti-unting nauubos ang energy ko sa pagtayo sa kainitan), finally, dalawang ate na lang sana, tapos kami na.  But no, si Ate, nung turn na nya, lumingon para tawagin ang immediate family nya.  Na nasa kabilang pila. Tapos isang buong pamilya silang sumugod sa harapan namin.  At dahil immediate family sila ni Ate, okay lang daw.  

Pero may pangatlo pa.  Kasi nung boarding na, family outing din yung nauna sa amin.  'Di ko lang alam kung anong nangyaring aberya, pero ang bilis kasi nung kabilang line o.. nakapasok na sila, habang natrap na naman kami after ng family outing o.  Anong petsa na?

At kung akala mo ay tapos na, may pang apat pa.  'Di pa tapos eh.  Kasi syempre, pila ulit pagdating sa Taiwan.  Eh medyo nasa 30s ang seat namin, so paglabas namin pila na naman talaga.  Binilisan ko na nga lakad kasi naimagine ko na yung paghaba ng line, nag overtake na kami ng mga ate at kuya na nagsstroll pa.  Tapos, after ng efforts na 'yun, itong si Ate sa harap namin, senyas senyas na naman sa likod.  TAPOS MAY SUMUGOD NA PULUTONG NG MGA ATE AT KUYANG MABAGAL KUMILOS. Ano 'to? Save na naman? Di naman kayo disabled.  Pasalamat kayo pagod na ako..  at wala akong energy kumausap ng tao.. at ayoko ng mga confrontations.. pero ibblog ko kayo:

Hoy Mildred, (narinig ni Tabs, tinawag ka nyang Mildred) at friends and/or family of Mildred.  Mainit na ulo ko.  Walang save save sa pilahan.  Sa susunod pumila kayo, either bilisan nyo kumilos para mauna kayo, or dun kayo sa DULOOOO!


Hindi ko na alam minsan kung minamalas ako para lang may mablog ako eh.  But anyway, sana magka-energy ako for the real Taiwan blog, para naman hindi puro rant ang mga mababack read ko sa future. Haha.  Pero dahil bed time ko na, pictures na lang muna ulit... 








...and the rest to follow (after ten years din.  'Wag naman sana.)